Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Palabas

Ramdam na ramdam ko ang pananabik na mapanood ang palabas sa PUP Theatre noong nakaraang buwan. Minsan lang ako makapanood ng ganito, kaya hindi ko agad pinalampas. Katulad ng sinabi ko sa review, hindi ako nadismaya. Hindi lang dahil sa mga gumanap, kundi dahil din sa musika na ginamit sa mga palabas. Hindi naman pwedeng gagamit ng musika na di angkop sa nangyayari sa palabas. Halimbawa, halos mangiyak-ngiyak ka na dahil sa lungkot na nararamdaman mo tapos biglang may tutugtog na "Jingle Bells" sa pinapanood mo. O kaya naman tawang-tawa ka na sa mga biro ni Babalu tapos ang background music eh "Tanging Yaman." May binabagayan nga talaga ang musika. Maaaring bigyan ka nito ng damdaming nakakapanabik, maari ring nakakaiyak, at pupuwede rin namang mas matatawa ka. Madalas nahuhumaling tayo sa mga palabas na ito dahil sa musika. Katulad na lang ng mga batang babae, kapag narinig ang kanta ng "Marimar" ay wala ng tigil sa paggiling. Kung mejo dalaga naman, hindi na sumasayaw, kundi sinasabayan na lang ang mga pagkanta nito. Masaya nga talagang manood ng isang palabas kung may musika. Kahit sa simpleng tono lang nito ay talagang makukuha ang atensyon mo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may babalik-balikan ka sa isang palabas. Kahit na tapos na ito ipalabas, nasa isip mo pa rin ang kanta at kahit na bago ka pumikit para matulog eh kinakanta pa rin ito ng utak mo. Maaaring walang musika ang mga palabas, pero matutuwa pa rin kaya tayo kung wala na ito? Marahil hindi, kasi katulad ng karamihan, ito ang isang dahilan kung bakit ka napapaiyak o napapatawa. Kung ako man ang tatanungin, mas hindi ako makakatulog kung sakaling wala na akong musikang napapakinggan kahit sa mga pang-araw-araw na teleserye man lang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento