Ano nga ba ang pinagkaiba ng musika at ingay? Parehas lang naman silang naririnig. Parehas lang din silang pumapasok sa tainga. Pero, paano naman ang hatid nila sa ating katawan? Ang musika, para sa atin at hindi lang sa mga sanggol, ay may magandang dulot sa ating katawan. Pinapasigla nito ang sino mang taong nakakarinig nito. Kaya nga sa mga pampublikong sasakyan, madalas kang makakakita ng naka-earphones, lalo na sa oras kung saan pauwi na ang mga nagtatrabaho. Masarap sa pakiramdam na may napapakinggan kang nakakapagpaayos ng emosyon mo. Galit ka man o malungkot, masaya o kinikilig, ang musika ang may iba't ibang hatid sa ating buhay. Kaya masasabi kong may MABUTING dulot ito sa ating katawan. Kanina ko pa pinupuri yung musika eh. Paano naman ang kabaliktaran nito?
Masasabi kong ang ingay ay nasobrahang musika. May Metal Rock na genre, pero para sa nakakarami eh musika pa rin ito. Kaya siguro ang sinasabi nating "ingay" ay musika na pinaghalo-halong tunog na parang walang patutunguhan. Hindi ko rin maipaliwanag, siguro nga ganon ang "ingay," hindi mo talaga maipaliliwanag o kahit maintindihan man lang. Nakakasira rin to ng tainga, di tulad ng musika na hahanap-hanapin pa ng tainga mo kahit na isang beses mo lang mapakinggan. Ang "ingay" ay isa ring uri ng polusyon na gawa ng tao. Kung mapapansin natin, mas maingay mas mainit. Mas nakakairita. Sa LRT pa nga lang tuwing uwian, mainit na, mas umiinit pa dahil sa daldalan ng mga magkakaklase, magkaibigan, magkatrabaho o magkamag-anak. Kahit nga sa eskwela, pag sinabi ng guro na, "Manahimik nga kayong lahat! Mainit na nga ang dadaldal niyo pa!" eh bigla mong mararamdaman na huhupa ng bahagya ang init dahil nga tumahimik kayong lahat.
Siguro nga parehas silang naririnig at parehas silang pumapasok sa tainga. Pero ano ang mas nanaisin mo marinig? Ang patuloy na musika, o patuloy na ingay? Kapag ingay naman ang ginawa mo, hindi lang ikaw ang maaapektuhan kundi ang lahat ng nasa paligid mo. Masarap pakinggan ang musika. Kaya ikaw, ano ang pipiliin mo? Musika o Ingay?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento