Miyerkules, Oktubre 14, 2015
Katutubo
Nakakarinig ka pa ba ng mga musikang ginagamitan ng kudyapi? Bandurya? At ng mga instrumentong tulad ng kulintang? Marahil hindi na, dahil sa mga naglipanang mga kanta ng One Direction, Justine Bieber at ni Nicki Minaj. Kung nahumaling ka tulad ko sa mga ganitong instrumento, siguro mas magugustuhan mo yung mga musikang katutubo kaysa sa mga nabanggit kong "musikero." Nabanggit ko si Joey Ayala sa una kong blog. Ang isa sa mga hinahangaan kong manunugtog. Sa pagkakaalam ko ay kudyapi ang gamit niya sa napanood kong video. Sobrang galing, ginamit niya ito at hinalo sa isang makabagong kanta ng isang OPM artist, Hindi ko akalain na pwede pala yun. Bilang musikero, natuwa ako sa napanood ko, kaya naghanap pa ko sa internet ng mga katutubong kanta. Kahit yung mga tipong mga instrumento lang ang gamit. Mas naaaliw ako kung instrumento lang at walang kumakanta. Para itong pampatulog ng bata para sakin. Sa tuwing nakakarinig din ako nito ay parang gusto ko aralin kung paano nila ginagawa. Ayon kasi sa pagtatanong-tanong ko, hindi lang nila basta tinutugtog ang mga instrumentong katulad ng mga nabanggit ko sa una. Marahil ang ilan ay kahawig ng pagtugtog sa mga intrumento ngayon, pero sabi nila mas mahirap pa rin daw ang mga instrumento ng ating mga katutubo. Parang sinabi na nilang walang tiyaga, walang nilaga. Mahirap man, sulit naman siguro kung matututo ka. Kasi walang ibang katulad ang mga musika na maririnig mo kapag ang gamit mong instrumento ay tulad ng sa ating mga katutubo. Sa pagkakaalam ko, ang grupong "Asin" ay gumagamit ng mga katutubong instrumento. Sumikat ito noong panahon nila dahil sa istilo na ginamit nila sa pagkanta at pagtugtog. Dapat nga talagang tularan ang mga ganitong manunugtog. Pinapahalagahan na ang sariling atin, mas nakakamangha pa dahil sa galing kung paano ito tugtugin.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento