Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Crescendo

Ang "crescendo" ay isang salita ng musika na nangangahulugang "papataas." Ginamit ang salitang ito ng isa kong kaibigan para bumuo ng isang tropang hindi inaasahan. Isa ako sa miyembro ng tropang iyon. Ginamit niya ang "Crescendo" dahil sa kahulgan nito. Tama nga naman siguro, mas gusto namin ang "patataas," kaysa sa "Descendo" na nangangahulugang "pababa." Noong una hindi ko pa alam ang meaning nito, kaya tinatanong ko sila kung ano meaning ng "Crescendo." Doon ko nalaman ang totoong pinagmulan ng pangalan ng banda. Nagbabasa ng isang music book ang kaibigan kong bumuo ng banda. Nabasa niya ang bahaging tumatalakay sa Crescendo. Nabasa ang kahulugan, at *DARAAAANNN* nabuo ang pangalan ng banda. Siguro baliw lang talaga ang kaibigan kong 'yon, gusto lang talaga sumali sa isang Battle of the Bands ng eskwela. Pero, hindi na rin masama dahil tunay na magkakaibigan kami ngayon, ang ibig kong sabihin ay magkakaibigan na kahit magkakalayo, hindi nagkakalimutan mag-usap, mas madalas pang magkayayaan para magsama-sama. Siguro nasulat ko tong blog na to dahil gusto ko na ulit tumugtog kasama ang nag-iisa kong banda. Mas madalas ko silang tawaging "tropa" kaysa "banda." Karamihan kasi sa mga nagbabanda eh tinuturing nila tong propesyon o trabaho, yung tipong nagsasama-sama lang para tumugtog, at magkapera. Pag sinabi mong tropa, pwede mo silang maging pamilya. Hindi lang kayo nagsasama-sama para kumita ng pera, nagsasama-sama kayo para magsaya, at sa pamamagitan iyon ng pagtugtog.

Isa ngang dahilan ng pagsasama-sama namin ang musika. Pero sa ngayon, hindi na lang kami nagsasama-sama dahil doon, marami na kaming nagawa, madalas ay ang tumambay. Hindi namin syempre pwedeng malimutan ang musika, ayun ang dahilan kung bakit kami nagkakilalang lima. Ayun din ang dahilan kaya namin natutulungan ang isa't isa kapag may problema. May magsasabi lang ng problema, at kukuha agad ng gitara ang isa para ayunan ang kwento ng isang katropa. Imbis na malungkot ang problemado, mas natatawa pa ito kasi parang timang yung tutugtog. Paunti-unti, binuo kami ng musika na kahit maraming ginagawa ang isa, nakakapaghintay ang lahat para magkasama-sama. Sa ngayon, tatlong taon na kaming magkakasama. Hindi pa namin alam ang mga pwedeng mangyari kaya tutok din muna kami sa pag-aaral. Makakatugtog din kami, sa lalong madaling panahon. O kaya naman, sa tamang panahon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento