Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Masama at Mabuti

May mga dulot nga ba itong masama at mabuti? May masama nga ba na musika? Marahil oo, sa kadahilanang ginagamit ng mga may ayaw kay Hesus ang musika upang ipalaganap ang kasamaang ito sa buong mundo. Sabi nga kasi nila, madali lang kumalat ang musika. Parang mga korap sa gobyerno, baka nga mas mabilis pa sila kesa sa paglaganap ng musika. Mabalik lang tayo sa topic. Ginagamit nila ito upang ihatid sa mundo ang paniniwala nilang walang tunay na diyos. Nakakalungkot, pero ang halos lahat ng kanta sa atin ngayon ay ganito. Ayaw ko man isipin, ngunit nangyayari na. Kung kailan malapit na ang pagdating muli ng ating Diyos ay lumaganap ang ganitong uri ng kasamaan. Palihim, oo pasikreto kaya hindi alam ng nakararamihan. Naaaliw ang lahat pero hindi nila alam ang lihim sa likod ng mga kantang ito.

Mabuti? Hindi ba't iyon yung mga tulad ng mga pagpupuri sa gumawa sa atin? Kay Hesus na unang nagmahal sa atin? Mas natutuwa ako sa mga artist na katulad ng Planetshakers, Hillsong at Don Moen na gumagawa ng kanta para GUMAWA sa kanila. Ipinaparating kasi dito ang pagmamahal natin sa ating Tagapaglikha, kay Ama. Musika ng pasasalamat pagkagising, at musika ulit ng pasasalamat bago matulog. Sikat na rin ang mga ganitong uri ng kanta. Hindi ko lang alam kung bakit mas gusto pa ng iba ang mga kanta na tungkol sa mga pagtatalik at kasalanan, kaysa mga tulad ng pagpupuri sa ating nilikha. Marahil kailangan pang dumami ang mga gumagawa ng mga musikang papuri sa ating Ama para mas lumaganap pa ang kabutihan.

Trabaho

Hindi naman sa lahat ng oras ng trabaho ay puro ka lang pagpapagod, syempre kailangan mo rin pawiin ang pagod na nararamdaman mo. Madalas ginagawa ito para hindi maburyo sa mga ginagawa habang nagtatrabaho. Parang kami dito sa bahay, palaging nagpapatugtog ng musika upang mapawi ang nararamdamang katamaran o pagkapagod. Syempre lahat naman siguro ng nagtatrabaho eh ayaw makaramdam ng mga ganyan habang nagtatrabaho. Kahit nga sa palabas na "Smurfs" ay kumakanta sila para masaya sila habang gumagawa. Ganon din naman tayong mga tao. Masaya kung gumagawa ng may musika. Kaya ang iba eh di nagagawa ng maayos ang trabaho sa kadahilanang lumilipad ang isip dahil pagod na sa kagagawa. Sabihin na nating sa pag-aaral, ako na ang isang halimbawa na may mga bagay akong tinatrabaho kasama ang musika. Siguro nga sa kahit anong bagay katuwang ko na ang musika. Ako na mismo ang nagsasabi na hindi ka makakaramdam ng pagod kapag may musika. Naaliw ang utak mo habang nagtatrabaho, di ka nagkakaproblema. Kahit nga sa mga convenience store, may musika hindi lamang para sa mga customer, kundi para rin sa mga taong nagseserbisyo para sa mga customer. Minsan pa nga'y may mga napapagalitan dahil nakakatulog sa trabaho dahil sa musika. Ayos di ba? Yung tipong babatukan ka na lang ng boss mo at makikita mong gigil na gigil sayo kaya sabay tayo ka at tanggal ng earphones. Nakakatawa isipin ang mga ganyang bagay. Pero hindi lang sa akin, kundi sa ibang tao rin ay mahalaga ang musika sa pagtatrabaho.

Pagbabasa

Mga mambabasa ang madalas na pinupuntirya ng musika. Mambabasa rin ako ngunit hindi ako mapakali kapag may musika. Di ako tulad ng iba na mas nakakabasa sila ng mabuti kung may kasamang musika. Nangingibabaw kasi sa utak ko ang musika kaysa pagbabasa. Kaya nagagalingan ako sa mga taong kayang pagsabayin ang dalawang ito. Ewan ko ba, baliktad ata utak ko. Kasi wala pa kong nakikilalang hindi rin kayang magbasa kapag may musika. Kasi mas natutuon ang musika sa utak nila dahil alam nilang mas gusto nila ito. Karamihan sa estudyante ngayon, may mga earphones. Habang nagrereview sila sa LRT eh may mga earphones na nakasuksok sa kanilang mga tainga. Hindi ko talaga maintindihan kung paano nila iyon nagagawa. Kasabay pa ng mga ingay ng tao sa loob ng LRT, at ng ingay mula sa nagsasalita sa mga speaker sa loob ng tren. Siguro may aking galing sila o di lang talaga ako biniyayaan ng ganong talento. Nakakainggit.

Ang ilan naman ay nagbabasa at nakikinig ng musika para mas kapana-panabik ang kanilang binabasa. Para bang sinasabayan nila ng mga diyalogo sa kanilang utak pagkatapos ay hahaluan nila ito ng musika na kanilang naririnig. Instant telenovela. Masaya nga siguro ang ganon, kaya sobrang naiinggit ako sa mga taong ganon. 

Marami nga talagang gamit ang musika. Katulad ng mga nabanggit ko, pinapasigla nito ang utak sa ganyang paraan. Magiging malusog ito dahil laging narerelax. Pambihira nga naman, pagsamahin mo lang ang pagbabasa at musika ay makatutulong na ito sa utak mo para sumigla? Walastik na musika yan. Kaya sana, pahalagahan natin ito tulad ng pagpapahalaga natin sa nagbigay nito.

Laro

DotA player ka ba? RAN? LoL o kahit anong online games ngayon? Kung kabataan ka na tulad ko, marahil oo. Hindi rin naman nabubuhay ang mga larong ito na walang musika. Ang iba pa nga, nakadipende talaga sa musika ang kanilang laro. Kailangan mong sabayang ang bawat nota ng kanta sa pamamagitan ng keyboard. Ang iba naman ay gumagamit ng musika para mas kapana-panabik ang mga mangyayari sa laro. Syempre ang pangit naman siguro kung gumagawa ng mahika ang ginagamit mo sa laro tapos wala man lang tunog, nakakaburyo kung iisipin. Pero dahil sa galing ng musika, nagbigay ito ng mas kapana-panabik na damdamin para sa mga manlalaro. Mas masaya kung may naririnig kang musika kung sakaling may nangyayari ng kakaiba sa nilalaro mo. Basta, mahirap ipaliwanag. Isa lang naman ang alam ko, hindi talaga masaya kung walang musika ang mga laro, o kahit ang mga bagay-bagay. Kahit nga sa mga birthday party, sinasamahan nila ng tugtog habang naglalaro ang mga bata. Para nga naman mas masigla sila, hindi parang mga lantang gulay na naglalaro sa gitna ng kalsada.

Para nga naman kasing mahika ang musika. May mga bagay na nagagawa na di mo naman inaasahan. Nakakatuwa, nakakamangha, nakakagaan ng loob, siguro lahat na ng damdamin eh maisasali ko. Isa akong taong mahilig maglaro, kasabay nito ang hilig ko sa musika. Kaya masaya ako sa tuwing nagsasama ang dalawa, walang ibang makakatumbas para sa akin ang ganitong pakiramdam.

Natural

Ayon sa teoryang bow-wow, ang wika raw ay nagmula sa panggaya ng mga tunog mula sa kalikasan.  Noong nakaraan nga lang eh pinanood kami ng isa naming prof ng isang buong serye ng mga palabas tungkol sa mundo, narinig ko roon ang mga huni ng ibon, mga ginagawang tunog ng mga hayop para makahanap ng magiging asawa, at ng mga hayop na gumagawa ng tunog para makahanap ng pagkain. Mayroon naman akong napanood sa telebisyon na tungkol sa isang manghuhuli ng ibon na ginagaya niya ang huni ng ibon para lumapit sa kanya ito at makain ng kanyang pamilya. Maraming negosyo na rin ang gumagamit ng mga tunog na hango sa kalikasan para sa mga customer na gusto ng kaginhawaan, halimbawa na lang ang spa. Pero hindi lahat ng sa kalikasan ay nakakaginhawa, sino bang marerelax kung makaririnig ka ng mga sigaw ng leon? Marahil pili lang at isa na don ang huni ng ibon. 

Masarap nga naman talaga ang makarinig ng huni ng ibon, tapos may hangin na dadampi sayong muka, tapos pipikit-pikit ka pa. Pwede ka nang artista. Pero namimiss ko na rin na pumunta sa probinsya dahil sa mga ganitong tunog. Onti lang ang sasakyan doon, maraming puno at maraming ibon. Dinig mo rin ang mga paggalaw ng puno kapag dinaanan ng hangin. Ayon ang tunay na relax. Hindi gaanong maingay sa probinsya di tulad dito, tulad ng sinabi ko. eh puro tunog ng sasakyan ang maririnig mo. Nandito sa Maynila ang tunay na Ingay. Nakakairita, mas nakakapagod lalo imbis na nakakaginhawa. Mga bus pa lang sa EDSA, tuloy-tuloy na ang bigay sa atin ng noise pollution. Kulang pa ating mga kalsada sa mga puno na pwedeng sumipsip ng mga ingay na galing sa mga sasakyan. Hindi tulad ng sa probinsya, sobrang daming puno na pwedeng sumipsip sa ingay. Marahil siguro masyado na tayong nagiging moderno tulad ng ating mga kanta. Sumasabay na rin ang ating gobyerno sa mga sikat na kumakanta sa ibang bansa, puro moderno.

Crescendo

Ang "crescendo" ay isang salita ng musika na nangangahulugang "papataas." Ginamit ang salitang ito ng isa kong kaibigan para bumuo ng isang tropang hindi inaasahan. Isa ako sa miyembro ng tropang iyon. Ginamit niya ang "Crescendo" dahil sa kahulgan nito. Tama nga naman siguro, mas gusto namin ang "patataas," kaysa sa "Descendo" na nangangahulugang "pababa." Noong una hindi ko pa alam ang meaning nito, kaya tinatanong ko sila kung ano meaning ng "Crescendo." Doon ko nalaman ang totoong pinagmulan ng pangalan ng banda. Nagbabasa ng isang music book ang kaibigan kong bumuo ng banda. Nabasa niya ang bahaging tumatalakay sa Crescendo. Nabasa ang kahulugan, at *DARAAAANNN* nabuo ang pangalan ng banda. Siguro baliw lang talaga ang kaibigan kong 'yon, gusto lang talaga sumali sa isang Battle of the Bands ng eskwela. Pero, hindi na rin masama dahil tunay na magkakaibigan kami ngayon, ang ibig kong sabihin ay magkakaibigan na kahit magkakalayo, hindi nagkakalimutan mag-usap, mas madalas pang magkayayaan para magsama-sama. Siguro nasulat ko tong blog na to dahil gusto ko na ulit tumugtog kasama ang nag-iisa kong banda. Mas madalas ko silang tawaging "tropa" kaysa "banda." Karamihan kasi sa mga nagbabanda eh tinuturing nila tong propesyon o trabaho, yung tipong nagsasama-sama lang para tumugtog, at magkapera. Pag sinabi mong tropa, pwede mo silang maging pamilya. Hindi lang kayo nagsasama-sama para kumita ng pera, nagsasama-sama kayo para magsaya, at sa pamamagitan iyon ng pagtugtog.

Isa ngang dahilan ng pagsasama-sama namin ang musika. Pero sa ngayon, hindi na lang kami nagsasama-sama dahil doon, marami na kaming nagawa, madalas ay ang tumambay. Hindi namin syempre pwedeng malimutan ang musika, ayun ang dahilan kung bakit kami nagkakilalang lima. Ayun din ang dahilan kaya namin natutulungan ang isa't isa kapag may problema. May magsasabi lang ng problema, at kukuha agad ng gitara ang isa para ayunan ang kwento ng isang katropa. Imbis na malungkot ang problemado, mas natatawa pa ito kasi parang timang yung tutugtog. Paunti-unti, binuo kami ng musika na kahit maraming ginagawa ang isa, nakakapaghintay ang lahat para magkasama-sama. Sa ngayon, tatlong taon na kaming magkakasama. Hindi pa namin alam ang mga pwedeng mangyari kaya tutok din muna kami sa pag-aaral. Makakatugtog din kami, sa lalong madaling panahon. O kaya naman, sa tamang panahon.

Pagmamahal

Isang rason kung bakit maiuugnay ko ang musika sa pagmamahal eh dahil sa harana. Teka, hindi pagmamahal ng mga magsyota, syempre sa magulang muna. Nakakapukaw ng damdamin ang mga kantang para sa mga magulang, lalo na sa ina, katulad ng "Salamat." Huwag puro syota, may magulang din naman tayo na kailangan haranahin. Karamihan sa mga manunulat ng kanta eh kumukuha ng inspirisayon sa pagmamahal. Sa totoo lang karamihan ngayon ng kanta ay tungkol sa pagmamahal. Katulad na lang ng "God Gave Me You" na pinasikat ng AlDub. Wala ng gumagawa ng para sa magulang. Nakakatuwa kaya na ipaparinig mo sa magulang mo ang kantang pinaghirapan mo na para talaga sa kanila. May ganoon akong kaklase noong 4th year High School, wala siyang ginagawa kundi gumawa ng kanta. Karamihan sa kanta niya ay para sa magulang. Hindi naman sa sawi siya sa pag-ibig pagdating sa babae, kasi katulad ng paniniwala ko, mas natutuwa siya kapag para sa magulang ang kanta. Sumali nga rin siya sa mga pinagpilian para gumawa ng kanta na gagamitin sa graduation namin, at gumawa siya na parang iniaalay niya na rin para sa sarili niyang magulang,

Katulad nga ng sinabi ng professor ko ngayon sa Filipino, "Wag kung ano-ano iniisip mo, puro landi, alam ba ng magulang mo yang tawa na yan?" Kaya kung inaakala niyo na para to sa mga nagmamahalang magsyota, nagkakamali kayo. Bigyan naman natin ng bahagi ang mga nagpalaki satin. Katulad ni Ina na nag"hele" sa atin noong mga sanggol pa tayo, at para sa ama na paminsan-minsa'y naghele rin sa atin. Pero mas pasasalamatan ko ang "Ama" na unang nagmahal sa atin, kaya't napunta tayo sa mundong ito. Si Ama ang dahilan kung bakit may musika. Sa kanya nanggaling ito. Kaya mas maganda kung gagamitin ang musika para magpuri at magpasalamat sa kanya. Madalas kasi sa panahon ngayon na about sa pagtatalik o pagmamahal ng isang magsyota ang mga kanta ngayon. Lalo na sa mga banyagang kanta, sobrang dami ang ginagastusan upang pasikatin ang mga kantang tulad ng mga kanta ni Chris Brown, Snoop Dog at marami pang iba. Kung mahal mo ang musika, mahalin mo rin ang mga magulang mo at ituring mo silang musika na dapat ingatan at alagaan, musika na dapat pakinggang mabuti at musikang mamahalin mo hanggang matapos ang panahon.

Musika vs. Ingay

Ano nga ba ang pinagkaiba ng musika at ingay? Parehas lang naman silang naririnig. Parehas lang din silang pumapasok sa tainga. Pero, paano naman ang hatid nila sa ating katawan? Ang musika, para sa atin at hindi lang sa mga sanggol, ay may magandang dulot sa ating katawan. Pinapasigla nito ang sino mang taong nakakarinig nito. Kaya nga sa mga pampublikong sasakyan, madalas kang makakakita ng naka-earphones, lalo na sa oras kung saan pauwi na ang mga nagtatrabaho. Masarap sa pakiramdam na may napapakinggan kang nakakapagpaayos ng emosyon mo. Galit ka man o malungkot, masaya o kinikilig, ang musika ang may iba't ibang hatid sa ating buhay. Kaya masasabi kong may MABUTING dulot ito sa ating katawan. Kanina ko pa pinupuri yung musika eh. Paano naman ang kabaliktaran nito?

Masasabi kong ang ingay ay nasobrahang musika. May Metal Rock na genre, pero para sa nakakarami eh musika pa rin ito. Kaya siguro ang sinasabi nating "ingay" ay musika na pinaghalo-halong tunog na parang walang patutunguhan. Hindi ko rin maipaliwanag, siguro nga ganon ang "ingay," hindi mo talaga maipaliliwanag o kahit maintindihan man lang. Nakakasira rin to ng tainga, di tulad ng musika na hahanap-hanapin pa ng tainga mo kahit na isang beses mo lang mapakinggan. Ang "ingay" ay isa ring uri ng polusyon na gawa ng tao. Kung mapapansin natin, mas maingay mas mainit. Mas nakakairita. Sa LRT pa nga lang tuwing uwian, mainit na, mas umiinit pa dahil sa daldalan ng mga magkakaklase, magkaibigan, magkatrabaho o magkamag-anak. Kahit nga sa eskwela, pag sinabi ng guro na, "Manahimik nga kayong lahat! Mainit na nga ang dadaldal niyo pa!" eh bigla mong mararamdaman na huhupa ng bahagya ang init dahil nga tumahimik kayong lahat.

Siguro nga parehas silang naririnig at parehas silang pumapasok sa tainga. Pero ano ang mas nanaisin mo marinig? Ang patuloy na musika, o patuloy na ingay? Kapag ingay naman ang ginawa mo, hindi lang ikaw ang maaapektuhan kundi ang lahat ng nasa paligid mo. Masarap pakinggan ang musika. Kaya ikaw, ano ang pipiliin mo? Musika o Ingay?

Katutubo

Nakakarinig ka pa ba ng mga musikang ginagamitan ng kudyapi? Bandurya? At ng mga instrumentong tulad ng kulintang? Marahil hindi na, dahil sa mga naglipanang mga kanta ng One Direction, Justine Bieber at ni Nicki Minaj. Kung nahumaling ka tulad ko sa mga ganitong instrumento, siguro mas magugustuhan mo yung mga musikang katutubo kaysa sa mga nabanggit kong "musikero." Nabanggit ko si Joey Ayala sa una kong blog. Ang isa sa mga hinahangaan kong manunugtog. Sa pagkakaalam ko ay kudyapi ang gamit niya sa napanood kong video. Sobrang galing, ginamit niya ito at hinalo sa isang makabagong kanta ng isang OPM artist, Hindi ko akalain na pwede pala yun. Bilang musikero, natuwa ako sa napanood ko, kaya naghanap pa ko sa internet ng mga katutubong kanta. Kahit yung mga tipong mga instrumento lang ang gamit. Mas naaaliw ako kung instrumento lang at walang kumakanta. Para itong pampatulog ng bata para sakin. Sa tuwing nakakarinig din ako nito ay parang gusto ko aralin kung paano nila ginagawa. Ayon kasi sa pagtatanong-tanong ko, hindi lang nila basta tinutugtog ang mga instrumentong katulad ng mga nabanggit ko sa una. Marahil ang ilan ay kahawig ng pagtugtog sa mga intrumento ngayon, pero sabi nila mas mahirap pa rin daw ang mga instrumento ng ating mga katutubo. Parang sinabi na nilang walang tiyaga, walang nilaga. Mahirap man, sulit naman siguro kung matututo ka. Kasi walang ibang katulad ang mga musika na maririnig mo kapag ang gamit mong instrumento ay tulad ng sa ating mga katutubo. Sa pagkakaalam ko, ang grupong "Asin" ay gumagamit ng mga katutubong instrumento. Sumikat ito noong panahon nila dahil sa istilo na ginamit nila sa pagkanta at pagtugtog. Dapat nga talagang tularan ang mga ganitong manunugtog. Pinapahalagahan na ang sariling atin, mas nakakamangha pa dahil sa galing kung paano ito tugtugin.

Palabas

Ramdam na ramdam ko ang pananabik na mapanood ang palabas sa PUP Theatre noong nakaraang buwan. Minsan lang ako makapanood ng ganito, kaya hindi ko agad pinalampas. Katulad ng sinabi ko sa review, hindi ako nadismaya. Hindi lang dahil sa mga gumanap, kundi dahil din sa musika na ginamit sa mga palabas. Hindi naman pwedeng gagamit ng musika na di angkop sa nangyayari sa palabas. Halimbawa, halos mangiyak-ngiyak ka na dahil sa lungkot na nararamdaman mo tapos biglang may tutugtog na "Jingle Bells" sa pinapanood mo. O kaya naman tawang-tawa ka na sa mga biro ni Babalu tapos ang background music eh "Tanging Yaman." May binabagayan nga talaga ang musika. Maaaring bigyan ka nito ng damdaming nakakapanabik, maari ring nakakaiyak, at pupuwede rin namang mas matatawa ka. Madalas nahuhumaling tayo sa mga palabas na ito dahil sa musika. Katulad na lang ng mga batang babae, kapag narinig ang kanta ng "Marimar" ay wala ng tigil sa paggiling. Kung mejo dalaga naman, hindi na sumasayaw, kundi sinasabayan na lang ang mga pagkanta nito. Masaya nga talagang manood ng isang palabas kung may musika. Kahit sa simpleng tono lang nito ay talagang makukuha ang atensyon mo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may babalik-balikan ka sa isang palabas. Kahit na tapos na ito ipalabas, nasa isip mo pa rin ang kanta at kahit na bago ka pumikit para matulog eh kinakanta pa rin ito ng utak mo. Maaaring walang musika ang mga palabas, pero matutuwa pa rin kaya tayo kung wala na ito? Marahil hindi, kasi katulad ng karamihan, ito ang isang dahilan kung bakit ka napapaiyak o napapatawa. Kung ako man ang tatanungin, mas hindi ako makakatulog kung sakaling wala na akong musikang napapakinggan kahit sa mga pang-araw-araw na teleserye man lang.

Huwebes, Oktubre 1, 2015

Harana

Nabanggit ko sa una kong blog ang "panghaharana." "Uso pa ba ang harana?" tanong ng isang kanta ng ating henerasyon. Oo nga naman, mayroon pa kayang mga kalalakihan na umaakyat ng ligaw sa pamamagitan nang panghaharana? Kung ako tatanungin, hindi na lahat ay ginagawa ito. Madalas sa panahon ngayon, "chat" na lang sapat na. Oh kaya naman sa mga text messages nagliligawan. Hindi ba't mas maganda pa rin na manligaw sa bahay ng babaeng iyong iniirog? Tulad nitong panghaharana, mas nakakapukaw pa rin ito sa puso ng ating mga kababaihan. Medyo luma man ang pamamaraan, kahit papaano naipapakita mo ang ating kultura. Pinapahalagahan mo ito tulad ng ginawa ng mga kabataan noon. Sa dinami-dami ng inibig ng ating pambansang bayani na si Pepe, marahil ang ilan dito ay kanyang hinarana. Wala ka man sa tono sa pagkanta, wala ka mang gitara, masarap pa rin haranahin ang babaeng ang alam mong patuloy na magpapatibok ng puso mo habambuhay. Hindi lang ikaw ang matutuwa dahil hinaharana mo ang mahal mo, kundi pati ang hinaharana mo matutuwa dahil sa boses mo. Gusto ko mangharana hindi lang sa panliligaw, kundi sa mga taong minamahal ko ng buong puso, ang tiyahin ko na nag-alaga sakin simula pagkabata, at ang nanay ko na nagpakahirap para lang mapag-aral ako. Masarap sa pakiramdam na inaalayan mo sila ng isang kanta upang sila ay mapasalamatan. Masarap din isipin na sa pamamagitan ng panghaharana, napapahalagahan ko ang kultura na pamana sakin ng aking mga ninuno.

Gitara

Ano nga ba ang hatid sa atin ng gitarang ito? Ang ilan ay gumagawa ng mga kanta upang aliwin ang sarili, ang iba naman ay para sa panghaharana, at ang pinakamadalas na gawin sa gitara ay gamitin sa pakikipagkantahan kasama ang tropa. Nakakaginhawa sa pakiramdam sa tuwing nakakarinig ako ng pagtugtog ng gitara. Marami nga naman kasing pwedeng gawin dito. Akala ko noong una ay madali lang ang paggigitara. Gusto kong matuto noon dahil sa tuwing nakikita ko ang aking mga kabanda na tumutugtog nito, parang wala lang sa kanila. Simple kumbaga. Pero mali pala, ang mga nakita ko sa kanila ay ang mga simple nga lang. Pero noong tumingin ako sa mga sikat na manunugtog ng gitara katulad nila Pepe Smith, Joey Ayala, at ng mga sikat pang gitarista ng panahon ngayon, eh kakarampot pa lang pala ang mga natutunan ko sa aking mga tropa. Masarap maggitara, ngunit hindi ito madali tulad ng iniisip ng iba. Maaaring matuto ang isang tao nito, pero hindi lahat mabibigyan ng oportunidad na gumaling sa pagtugtog nito. Sinubukan ko, pero isa nga ata ako sa mga taong hindi nabigyan ng galing sa pagtugtog nito. Nakakatawa mang isipin pero, kahit papaano sinubukan ko. Wala namang masama kung susubok lang ako ng susubok. Wala rin naman sigurong mawawala kung aaliwin ko ang sarili ko sa pamamagitan ng musika.