Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Masama at Mabuti

May mga dulot nga ba itong masama at mabuti? May masama nga ba na musika? Marahil oo, sa kadahilanang ginagamit ng mga may ayaw kay Hesus ang musika upang ipalaganap ang kasamaang ito sa buong mundo. Sabi nga kasi nila, madali lang kumalat ang musika. Parang mga korap sa gobyerno, baka nga mas mabilis pa sila kesa sa paglaganap ng musika. Mabalik lang tayo sa topic. Ginagamit nila ito upang ihatid sa mundo ang paniniwala nilang walang tunay na diyos. Nakakalungkot, pero ang halos lahat ng kanta sa atin ngayon ay ganito. Ayaw ko man isipin, ngunit nangyayari na. Kung kailan malapit na ang pagdating muli ng ating Diyos ay lumaganap ang ganitong uri ng kasamaan. Palihim, oo pasikreto kaya hindi alam ng nakararamihan. Naaaliw ang lahat pero hindi nila alam ang lihim sa likod ng mga kantang ito.

Mabuti? Hindi ba't iyon yung mga tulad ng mga pagpupuri sa gumawa sa atin? Kay Hesus na unang nagmahal sa atin? Mas natutuwa ako sa mga artist na katulad ng Planetshakers, Hillsong at Don Moen na gumagawa ng kanta para GUMAWA sa kanila. Ipinaparating kasi dito ang pagmamahal natin sa ating Tagapaglikha, kay Ama. Musika ng pasasalamat pagkagising, at musika ulit ng pasasalamat bago matulog. Sikat na rin ang mga ganitong uri ng kanta. Hindi ko lang alam kung bakit mas gusto pa ng iba ang mga kanta na tungkol sa mga pagtatalik at kasalanan, kaysa mga tulad ng pagpupuri sa ating nilikha. Marahil kailangan pang dumami ang mga gumagawa ng mga musikang papuri sa ating Ama para mas lumaganap pa ang kabutihan.

Trabaho

Hindi naman sa lahat ng oras ng trabaho ay puro ka lang pagpapagod, syempre kailangan mo rin pawiin ang pagod na nararamdaman mo. Madalas ginagawa ito para hindi maburyo sa mga ginagawa habang nagtatrabaho. Parang kami dito sa bahay, palaging nagpapatugtog ng musika upang mapawi ang nararamdamang katamaran o pagkapagod. Syempre lahat naman siguro ng nagtatrabaho eh ayaw makaramdam ng mga ganyan habang nagtatrabaho. Kahit nga sa palabas na "Smurfs" ay kumakanta sila para masaya sila habang gumagawa. Ganon din naman tayong mga tao. Masaya kung gumagawa ng may musika. Kaya ang iba eh di nagagawa ng maayos ang trabaho sa kadahilanang lumilipad ang isip dahil pagod na sa kagagawa. Sabihin na nating sa pag-aaral, ako na ang isang halimbawa na may mga bagay akong tinatrabaho kasama ang musika. Siguro nga sa kahit anong bagay katuwang ko na ang musika. Ako na mismo ang nagsasabi na hindi ka makakaramdam ng pagod kapag may musika. Naaliw ang utak mo habang nagtatrabaho, di ka nagkakaproblema. Kahit nga sa mga convenience store, may musika hindi lamang para sa mga customer, kundi para rin sa mga taong nagseserbisyo para sa mga customer. Minsan pa nga'y may mga napapagalitan dahil nakakatulog sa trabaho dahil sa musika. Ayos di ba? Yung tipong babatukan ka na lang ng boss mo at makikita mong gigil na gigil sayo kaya sabay tayo ka at tanggal ng earphones. Nakakatawa isipin ang mga ganyang bagay. Pero hindi lang sa akin, kundi sa ibang tao rin ay mahalaga ang musika sa pagtatrabaho.

Pagbabasa

Mga mambabasa ang madalas na pinupuntirya ng musika. Mambabasa rin ako ngunit hindi ako mapakali kapag may musika. Di ako tulad ng iba na mas nakakabasa sila ng mabuti kung may kasamang musika. Nangingibabaw kasi sa utak ko ang musika kaysa pagbabasa. Kaya nagagalingan ako sa mga taong kayang pagsabayin ang dalawang ito. Ewan ko ba, baliktad ata utak ko. Kasi wala pa kong nakikilalang hindi rin kayang magbasa kapag may musika. Kasi mas natutuon ang musika sa utak nila dahil alam nilang mas gusto nila ito. Karamihan sa estudyante ngayon, may mga earphones. Habang nagrereview sila sa LRT eh may mga earphones na nakasuksok sa kanilang mga tainga. Hindi ko talaga maintindihan kung paano nila iyon nagagawa. Kasabay pa ng mga ingay ng tao sa loob ng LRT, at ng ingay mula sa nagsasalita sa mga speaker sa loob ng tren. Siguro may aking galing sila o di lang talaga ako biniyayaan ng ganong talento. Nakakainggit.

Ang ilan naman ay nagbabasa at nakikinig ng musika para mas kapana-panabik ang kanilang binabasa. Para bang sinasabayan nila ng mga diyalogo sa kanilang utak pagkatapos ay hahaluan nila ito ng musika na kanilang naririnig. Instant telenovela. Masaya nga siguro ang ganon, kaya sobrang naiinggit ako sa mga taong ganon. 

Marami nga talagang gamit ang musika. Katulad ng mga nabanggit ko, pinapasigla nito ang utak sa ganyang paraan. Magiging malusog ito dahil laging narerelax. Pambihira nga naman, pagsamahin mo lang ang pagbabasa at musika ay makatutulong na ito sa utak mo para sumigla? Walastik na musika yan. Kaya sana, pahalagahan natin ito tulad ng pagpapahalaga natin sa nagbigay nito.

Laro

DotA player ka ba? RAN? LoL o kahit anong online games ngayon? Kung kabataan ka na tulad ko, marahil oo. Hindi rin naman nabubuhay ang mga larong ito na walang musika. Ang iba pa nga, nakadipende talaga sa musika ang kanilang laro. Kailangan mong sabayang ang bawat nota ng kanta sa pamamagitan ng keyboard. Ang iba naman ay gumagamit ng musika para mas kapana-panabik ang mga mangyayari sa laro. Syempre ang pangit naman siguro kung gumagawa ng mahika ang ginagamit mo sa laro tapos wala man lang tunog, nakakaburyo kung iisipin. Pero dahil sa galing ng musika, nagbigay ito ng mas kapana-panabik na damdamin para sa mga manlalaro. Mas masaya kung may naririnig kang musika kung sakaling may nangyayari ng kakaiba sa nilalaro mo. Basta, mahirap ipaliwanag. Isa lang naman ang alam ko, hindi talaga masaya kung walang musika ang mga laro, o kahit ang mga bagay-bagay. Kahit nga sa mga birthday party, sinasamahan nila ng tugtog habang naglalaro ang mga bata. Para nga naman mas masigla sila, hindi parang mga lantang gulay na naglalaro sa gitna ng kalsada.

Para nga naman kasing mahika ang musika. May mga bagay na nagagawa na di mo naman inaasahan. Nakakatuwa, nakakamangha, nakakagaan ng loob, siguro lahat na ng damdamin eh maisasali ko. Isa akong taong mahilig maglaro, kasabay nito ang hilig ko sa musika. Kaya masaya ako sa tuwing nagsasama ang dalawa, walang ibang makakatumbas para sa akin ang ganitong pakiramdam.

Natural

Ayon sa teoryang bow-wow, ang wika raw ay nagmula sa panggaya ng mga tunog mula sa kalikasan.  Noong nakaraan nga lang eh pinanood kami ng isa naming prof ng isang buong serye ng mga palabas tungkol sa mundo, narinig ko roon ang mga huni ng ibon, mga ginagawang tunog ng mga hayop para makahanap ng magiging asawa, at ng mga hayop na gumagawa ng tunog para makahanap ng pagkain. Mayroon naman akong napanood sa telebisyon na tungkol sa isang manghuhuli ng ibon na ginagaya niya ang huni ng ibon para lumapit sa kanya ito at makain ng kanyang pamilya. Maraming negosyo na rin ang gumagamit ng mga tunog na hango sa kalikasan para sa mga customer na gusto ng kaginhawaan, halimbawa na lang ang spa. Pero hindi lahat ng sa kalikasan ay nakakaginhawa, sino bang marerelax kung makaririnig ka ng mga sigaw ng leon? Marahil pili lang at isa na don ang huni ng ibon. 

Masarap nga naman talaga ang makarinig ng huni ng ibon, tapos may hangin na dadampi sayong muka, tapos pipikit-pikit ka pa. Pwede ka nang artista. Pero namimiss ko na rin na pumunta sa probinsya dahil sa mga ganitong tunog. Onti lang ang sasakyan doon, maraming puno at maraming ibon. Dinig mo rin ang mga paggalaw ng puno kapag dinaanan ng hangin. Ayon ang tunay na relax. Hindi gaanong maingay sa probinsya di tulad dito, tulad ng sinabi ko. eh puro tunog ng sasakyan ang maririnig mo. Nandito sa Maynila ang tunay na Ingay. Nakakairita, mas nakakapagod lalo imbis na nakakaginhawa. Mga bus pa lang sa EDSA, tuloy-tuloy na ang bigay sa atin ng noise pollution. Kulang pa ating mga kalsada sa mga puno na pwedeng sumipsip ng mga ingay na galing sa mga sasakyan. Hindi tulad ng sa probinsya, sobrang daming puno na pwedeng sumipsip sa ingay. Marahil siguro masyado na tayong nagiging moderno tulad ng ating mga kanta. Sumasabay na rin ang ating gobyerno sa mga sikat na kumakanta sa ibang bansa, puro moderno.

Crescendo

Ang "crescendo" ay isang salita ng musika na nangangahulugang "papataas." Ginamit ang salitang ito ng isa kong kaibigan para bumuo ng isang tropang hindi inaasahan. Isa ako sa miyembro ng tropang iyon. Ginamit niya ang "Crescendo" dahil sa kahulgan nito. Tama nga naman siguro, mas gusto namin ang "patataas," kaysa sa "Descendo" na nangangahulugang "pababa." Noong una hindi ko pa alam ang meaning nito, kaya tinatanong ko sila kung ano meaning ng "Crescendo." Doon ko nalaman ang totoong pinagmulan ng pangalan ng banda. Nagbabasa ng isang music book ang kaibigan kong bumuo ng banda. Nabasa niya ang bahaging tumatalakay sa Crescendo. Nabasa ang kahulugan, at *DARAAAANNN* nabuo ang pangalan ng banda. Siguro baliw lang talaga ang kaibigan kong 'yon, gusto lang talaga sumali sa isang Battle of the Bands ng eskwela. Pero, hindi na rin masama dahil tunay na magkakaibigan kami ngayon, ang ibig kong sabihin ay magkakaibigan na kahit magkakalayo, hindi nagkakalimutan mag-usap, mas madalas pang magkayayaan para magsama-sama. Siguro nasulat ko tong blog na to dahil gusto ko na ulit tumugtog kasama ang nag-iisa kong banda. Mas madalas ko silang tawaging "tropa" kaysa "banda." Karamihan kasi sa mga nagbabanda eh tinuturing nila tong propesyon o trabaho, yung tipong nagsasama-sama lang para tumugtog, at magkapera. Pag sinabi mong tropa, pwede mo silang maging pamilya. Hindi lang kayo nagsasama-sama para kumita ng pera, nagsasama-sama kayo para magsaya, at sa pamamagitan iyon ng pagtugtog.

Isa ngang dahilan ng pagsasama-sama namin ang musika. Pero sa ngayon, hindi na lang kami nagsasama-sama dahil doon, marami na kaming nagawa, madalas ay ang tumambay. Hindi namin syempre pwedeng malimutan ang musika, ayun ang dahilan kung bakit kami nagkakilalang lima. Ayun din ang dahilan kaya namin natutulungan ang isa't isa kapag may problema. May magsasabi lang ng problema, at kukuha agad ng gitara ang isa para ayunan ang kwento ng isang katropa. Imbis na malungkot ang problemado, mas natatawa pa ito kasi parang timang yung tutugtog. Paunti-unti, binuo kami ng musika na kahit maraming ginagawa ang isa, nakakapaghintay ang lahat para magkasama-sama. Sa ngayon, tatlong taon na kaming magkakasama. Hindi pa namin alam ang mga pwedeng mangyari kaya tutok din muna kami sa pag-aaral. Makakatugtog din kami, sa lalong madaling panahon. O kaya naman, sa tamang panahon.

Pagmamahal

Isang rason kung bakit maiuugnay ko ang musika sa pagmamahal eh dahil sa harana. Teka, hindi pagmamahal ng mga magsyota, syempre sa magulang muna. Nakakapukaw ng damdamin ang mga kantang para sa mga magulang, lalo na sa ina, katulad ng "Salamat." Huwag puro syota, may magulang din naman tayo na kailangan haranahin. Karamihan sa mga manunulat ng kanta eh kumukuha ng inspirisayon sa pagmamahal. Sa totoo lang karamihan ngayon ng kanta ay tungkol sa pagmamahal. Katulad na lang ng "God Gave Me You" na pinasikat ng AlDub. Wala ng gumagawa ng para sa magulang. Nakakatuwa kaya na ipaparinig mo sa magulang mo ang kantang pinaghirapan mo na para talaga sa kanila. May ganoon akong kaklase noong 4th year High School, wala siyang ginagawa kundi gumawa ng kanta. Karamihan sa kanta niya ay para sa magulang. Hindi naman sa sawi siya sa pag-ibig pagdating sa babae, kasi katulad ng paniniwala ko, mas natutuwa siya kapag para sa magulang ang kanta. Sumali nga rin siya sa mga pinagpilian para gumawa ng kanta na gagamitin sa graduation namin, at gumawa siya na parang iniaalay niya na rin para sa sarili niyang magulang,

Katulad nga ng sinabi ng professor ko ngayon sa Filipino, "Wag kung ano-ano iniisip mo, puro landi, alam ba ng magulang mo yang tawa na yan?" Kaya kung inaakala niyo na para to sa mga nagmamahalang magsyota, nagkakamali kayo. Bigyan naman natin ng bahagi ang mga nagpalaki satin. Katulad ni Ina na nag"hele" sa atin noong mga sanggol pa tayo, at para sa ama na paminsan-minsa'y naghele rin sa atin. Pero mas pasasalamatan ko ang "Ama" na unang nagmahal sa atin, kaya't napunta tayo sa mundong ito. Si Ama ang dahilan kung bakit may musika. Sa kanya nanggaling ito. Kaya mas maganda kung gagamitin ang musika para magpuri at magpasalamat sa kanya. Madalas kasi sa panahon ngayon na about sa pagtatalik o pagmamahal ng isang magsyota ang mga kanta ngayon. Lalo na sa mga banyagang kanta, sobrang dami ang ginagastusan upang pasikatin ang mga kantang tulad ng mga kanta ni Chris Brown, Snoop Dog at marami pang iba. Kung mahal mo ang musika, mahalin mo rin ang mga magulang mo at ituring mo silang musika na dapat ingatan at alagaan, musika na dapat pakinggang mabuti at musikang mamahalin mo hanggang matapos ang panahon.